Bawas-presyo sa LPG, ipatutupad simula ngayong araw

Epektibo ngayong araw, ipatutupad ang bawas-presyo sa LPG at sa Auto LPG.

Sa abiso ng Petron, mayroon itong rollback na P1.75 sa kada kilo ng LPG (VAT included); habang mayroon din itong tapyas na P0.98 sa kada litro ng AutoLPG.

Ang Phoenix LPG Phils. naman ay mayroong tapyas na P1.75 kada kilo ng kanilang Phoenix Super LPG; at P0.95 rollback sa kada litro ng Auto LPG.

P1.62 naman ang ibabawas sa kada kilo ng LPG ng Solane.

Ang EC Gas ay mayroon ding P18 na rollback sa kada 11 kilo ng kanilang LPG.

Kaugnay nito, sinabi sa isang panayam ni Department of Energy – Oil Industry Management Bureau Dir. Rino Abad na matapos ang bawas-presyo ngayong araw, asahang magtutuloy-tuloy pa ang pagbaba sa nito ngayong buwan.

Samantala, para naman sa presyo ng produktong petrolyo, sinabi ni Abad na simula ngayong Huwebes at sa nalalabing trading days ay malalaman ang kapalaran ng oil prices sa susunod na linggo.

Hindi umano masiyadong gumalaw ang presyuhan sa world market, hindi kagaya noong nakaraang linggo na malaki ang adjustment kaya nagresulta ng big-time price hike nitong Martes.

Araw ng Sabado maglalabas ng estimation ng DoE; habang Lunes sa susunod na linggo ia-anunsyo ang opisyal na oil price adjustment.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *