Bishop Alarcon ng Daet pinangunahan ang opening mass ng Traslacion Procession para kay Nuestra Señora de Peñafrancia sa Naga

CAMARINES NORTE- Pinangunahan ni Bishop Rex Andrew Alarcon ng Diocese of Daet ang opening mass para sa traslacion procession sa karangalan ni Nuestra Señora de Peñafrancia at Divino Rostro na ginanap sa Plaza de Covarubias sa Naga City nitong Biyernes.

Dinaluhan ito ng mga kaparian, religious at tinatayang hindi bababa sa kalahating milyong deboto ng mahal na Ina.

Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon muli ng ganitong aktibidad makalipas ang dalawang taon dahil sa COVID- 19 pandemic.

Sa kaniyang homily binigyang diin ni Bishop Alarcon ang tatlong mahahalagang bagay na kailangan umanong baunin sa paglalakbay o sa “traslacion” ng buhay.

Una umano dito ang biyaya ng pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ni Ina.

Aniya sa panahong ito ng pagsubok na dulot ng COVID- 19 pandemic at samu’t saring problemang kinakaharap ng lipunan importante umano ang marubdob na pananampalataya sa Diyos.

Sa gitna umano ng pandemya na kahit ang mga malalakas na bansa ay hindi alam ang gagawin at pananampalataya ang kinakapitan.

Sa panahon ng mga bagyo at kalamidad na tumatama lalo na sa rehiyong bicol, krisis sa pamilya ay ang biyaya ng pananampalataya umano ang kinakapitan.

Pangalawa aniya sa mga dapat baunin sa paglalakbay sa mundong ito ay ang biyaya ng paglilingkod na ginagawa sa iba’t- ibang paraan.

Inihalimbawa nito ang pagsasakripisyo ng mga kapulisan para matiyak ang kaayusan sa pagdiriwang ng kapistahan ni Ina, mga tagapaglinis at pagtitiis na binabata ng mga deboto.

At ang pangatlo aniya ay ang biyaya ng debosyon na ipinapamalas ngayon lalo na ng mga Bikolano.

Aniya hindi pa tapos ang pandemya at marami pa ang mga pagdadaanang problema.

Sa gitna ng lahat ng ito ay hinahamon umano ang bawat isa na tumawid sa gitna ng naglalakihang alon ng mga pagsubok sa buhay at dalhin sa puso ang mahal na Ina at Divino Rostro.

📷screenshot from the Archdiocese of Caceres fb

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *