Border checkpoint sa Camarines Norte posibleng ibalik kung patuloy na tataas ang mga kaso ng COVID- 19 sa mga karatig probinsya

CAMARINES NORTE- Posibleng ibalik ang border checkpoint sa Camarines Norte kung patuloy na tataas ang mga kaso ng COVID- 19 sa mga karatig probinsiya partikular sa Camarines Sur at Quezon.

Ito ang inihayag ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.

Ayon kay Francisco, ire- reactivate ang Incident Management Team at nakadepende sa pagdami ng mga kaso ng COVID- 19 sa mga karatig na lalawigan ang kanilang magiging pagkilos upang protektahan ang mga taga Camarines Norte at maiwasan ang posibleng surge ng mga kaso.

Mahalaga umano ang border control upang masala ang mga labas pasok sa lalawigan at malaman kung ang mga ito ay bakunado na o hindi pa.

Gayunman, nilinaw ni Francisco na hindi naman magiging kasing higpit tulad ng dati at imo- modify ito ayon sa pangangailangan ng probinsiya.

Ikukunsidera pa rin aniya ang economic factor dahil kung masyadong mahigpit ay maapektuhan ang galaw ng ekonomiya na sa ngayon ay unti- unti pa lang bumabangon dahil sa pagkakalugmok na dulot ng pandemya.

Ang maganda umano sa pagkakaroon ng border control ay masasala kung sino ang mga bakunado at hindi pa at kung sakaling hindi pa bakunado ang isang tao ay ire- refer ito sa nakakasakop na LGU para mabakunahan.

“So makikita natin itong mga tao na ito labas pasok tapos kapag nakapaunta dun sa border natin titingnan ang kanilang vaccination card ire- refer agad sila dun sa mga kani- kanilang vaccination area sa kanilang munispyo,” ani Francisco.

Pinaalalahanan din ni Francisco ang mga LGU na ayusin at ihanda palagi ang kanilang mga isolation at Temporary Treatment Facility upang kung sakaling magkaroon ng surge ay hindi na magkaproblema sa pagdadalhan ng mga magpopositibo at ng kanilang close contacts.

“Ayusin na at i-inventory na in anticipating na baka mag surge ano, we are praying na hindi naman sana pero sabi ko nga it’s better to prepare than late na tayo nagpi- prepare na andiyan na yung problema.”

Samantala, pinag- aaralan din kung muling ipapatigil ang mga aktibidad lalo na ang mga palaro na may kinalaman sa mga fiesta celebration.

Nakadepende umano ito sa Executive Order na posibleng ipalabas bago matapos itong linggo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *