Camarines Sur Provincial Government, umapela sa DOTR na huwag gawing mandatory ang pagpapatupad ng roadworthiness inspections sa mga PMVIC

NAGA CITY—Umapela ang Camarines Sur Provincial Government sa Department of Transportation o DOTr na huwag gawing mandatory ang muling pagpapatupad ng mandatory inspection ng mga sasakyan sa mga Private Motor Vehicle Inspection Centers.

Base sa ipinadalang sulat ni Gov. Migz Villafuerte kay DOTr Sec. Arthur Tugade, sinabi nitong dahil sa kasalukuyang krisis na dala ng COVID-19 pandemic ang mga tao ay naghihigpit ng sinturon lalo sa mga binibitiwang salapi panggastos kung saan ang laging inuuna bago ang lahat ay ang pangunahing pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Nais ng Gobernador na ang safety at road worthiness inspections ng mga light vehicles at motorcycles sa PMVIC bago ang kanilang mga rehistro ay ma-renew ng LTO, ay hindi dapat inoobliga sa ngayon bagkus gawin na lamang itong optional.

Bagamat naiintindihan naman aniya ng Gobernador ang layunin ng naturang polisiya na masigurong ang lahat ng mga sasakyan na tumatakbo sa kalsada ay mga roadworthy ay hindi naman aniya ito makokompromiso kung hindi PMVIC ang magsasagawa ng roadworthiness inspections dahil maaari naman aniyang ang LTO na mismo ang sumuri sa mga sasakyan na magpapa-renew ng kanilang mga rehistro.

Noong nakaarang Biyernes, ay nagsagawa ng motorcade protest sa Naga City at mga katabing bayan sa Camarines Sur ang mga motorista bilang pagkontra sa muling pagpapatupad ng DOTr Memorandum Circular 2021-02 habang isinisigaw ang “No To PMVIC”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *