Comelec hinimok ang mga kandidato at partido na magkusa nang baklasin ang mga campaign poster na nakapaskil sa maling lugar

CAMARINES NORTE- Hinimok ng Commission on Elections ang mga kandidato at partido na magkusa nang tanggalin ang  mga campaign poster na wala sa tamang lugar at sukat.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Election Officer III Virgilio Veras ng Comelec- Basud na mas mainam kung ang mga kandidato o partido na ang magkukusang magbaklas upang hindi na ito gawin pa ng Comelec.

Ayon kay Veras, wala  pa umano silang schedule sa ngayon ng pagbabaklas ng mga campaign materials at naghihintay pa ng kautusan mula sa nakatataas na opisina.

Nilinaw din ni Veras na hindi sila basta nagbabaklas ng mga campaign poster.

Aniya, sinusulatan muna nila ang mga kandidato o partido upang ipaalam sa mga ito kung mayroong paglabag sa umiiral na batas patungkol sa halalan.

Mababatid na mayroong mga itinalagang common poster area sa bawat bayan ang Comelec.

Mahigpit na ipinagbabawal ang magdikit ng campaign posters sa mga puno, poste at kawad ng kuryente, eskwelahan, waiting shed, sidewalk, traffic signs, tulay, Barangay Hall  Health Centers at iba pang public building.

Mayroon lang din tamang sukat sa mga campaign materials at hindi ito dapat lumagpas sa 2×3 feet.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *