Dahilan ng mataas na population growth rate ng pinakamaliit na bayan sa Camarines Norte ipinaliwanag ng PSA

CAMARINES NORTE- Ipinaliwanag ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung bakit ang San Vicente na pinakamaliit na bayan sa Camarines Norte ang nakapagtala ng pinakamataas na population growth rate hindi lang sa lalawigan kundi sa buong Bicol Region.

Sa isinagawang 2020 Census of Population and Housing Provincial Data Dissemination Forum noong Biyernes, aminado si Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao na tila hindi nga “natural numbers” ang dahilan.

Base umano sa ginawa nilang “verification” ang pagsiuwian  ng mga residente sa naturang bayan na nagtatrabaho sa ibang lugar dahil sa mga ipinatupad na lockdown ang naging dahilan ng mataas na population growth rate.

Ipinasundo rin umano ng Lokal na Pamahalaan ang mga constituents nito sa ibang lugar na inabutan ng lockdown.

“Kung matatandaan natin yung mga lockdowns lalo na nagsimula sa NCR (National Capital Region (NCR), March yun, and the targeted to have a census, May 1, 2020 na natuloy nga September, prior to Balik Probinsiya program, na nangyari nga June yata, yung mga tao is nag uuwian na, weather may Balik Probinsiya pa or wala pa,” ani Padayao.

“So base sa verification, the LGU San Vicente, nagpapadala na si Mayor ng mga sasakyan sa ano, sa Manila particularly to fetch the people of San Vicente na na- lockdown, so yung natural na number na nag exist lang population sa San Vicente is malaki talaga siya.”

Ayon pa kay Padayao marami rin umanong Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa lugar na minabuting makipagsapalaran sa ibang bansa upang makakuha ng oportunidad na makapagtrabaho ay nagsiuwian.

Ang bayan ng San Vicente na pinakamaliit na bayan sa Camarines Norte ay mayroon lang siyam na Barangay na katumbas lang ng isang malaking Barangay ng Daet.

Batay sa 2020 Census of Population and Housing nakapagtala lang ng 12, 579 na kabuuang populasyon ang San Vicente pero may 4. 09 % na annual population growth rate.

Pinakamataas ito sa buong rehiyong Bicol na sinusundan ng bayan ng Vinzons.

Kabilang din sa top ten fastest growing Municipality sa rehiyon ay ang Capalonga (Camarines Norte), Goa (Camarines Sur), San Lorenzo Ruiz (Camarines Norte), Ocampo (Camarines Sur), Baleno (Masbate), Basud (Camarines Norte) at San Fernando (Camarines Sur).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *