DENR Bicol, sinuportahan ang paglunsad ng Bicol RDP ng NEDA Bicol

LEGAZPI CITY – Sinuportahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol ang kamakailang paglunsad ng National Economic and Development Authority (NEDA) Bicol ng kanilang Regional Development Plan (RDP) para sa taong 2023-2028.

Naniniwala ang ahensya na ang mga plano sa rehiyon ay maisasakatuparan.

Sa naging pahayag ni DENR Bicol Regional Executive Director Francisco E. Milla, ang plano sa pagpapaunlad ng rehiyon ay naglalahad ng isang komprehensibong balangkas upang itaguyod ang inklusibong paglago, pagpapanatili ng kapaligiran at matatag na komunidad sa rehiyon sa nabanggit na peryodo.

Isinasaalang-alang nito ang mga natatanging hamon at pagkakataon sa rehiyon at binabalangkas ang mga estratehikong hakbangin upang makamit ang mga layunin ng pag-unlad.

Nakabatay din ang RDP sa AmBisyon Natin 2040 ng bansa na kumakatawan sa mga adhikain ng sambayanang Pilipino para sa isang “Matatag,” “Maginhawa,” at “Panatag na Buhay” at ang Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028 ay naglalayon ng “Economic and Social Transformation for a Prosperous, Inclusive, and Resilient Society”.

Samantala, nananawagan ang DENR Bicol sa aktibong pakikipag-ugnayan at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang mga ahensya ng gobyerno, local government units, pribadong sektor, mga organisasyon, at sa publiko para sa pagtutupad ng mga ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *