Diwa ng Pagkakaisa tampok sa Harana Festival 2024

Walang hamon ang hindi kayang lagpasan sa nagkakaisang bayan,” ito ang naging sentro ng orihinal na kantang itinahanghal na kampeon sa katatapos pa lamang na Bicol Songwriting and Singing Competition kaugnay ng Harana Festival 2024 sa bayan ng San Jose, Camarines Sur.

Nasungkit ng tatlong local artist at magkabandang sina Ledon Redita Jr., Bryan Mimay ng Tigaon at Leonilo Palaypayon ng Presentacion, ang kampeonato para sa kanilang kantang ‘Mayong Pagsakit sa Pagkasararo’. 

Ayon sa composer ng kanta na si Ledon Redita Jr, naging inspirasyon  niya ang kahalagahan ng pakikipagkapwa at  pagkakaisa sa kabila ng mga hamon na kinakaharap.

Kailangan natin parati ng karamay, hindi natin kayang mag-isa o solohin ang lahat [ng] problema, mababaw man o hindi. [Kumbaga] iyon ang nakuha kong inspirasyon [na mula mismo] sa sarili ko, base sa mga pinagdaanan ko,” ani Redita sa panayam sa Brigada News FM Naga.

Mensahe naman nito sa mga kapwa local singer-songwriter na gusto ring sumabak sa nasabing kompetisyon, mag-practice lamang nang mag-practice at huwag sumuko sa kabila ng mga hamon sa industriya ng pag-awit.

Samantala naging tulay naman ang engrandeng taunang selebrasyon ng Harana Festival  sa pagkilala sa mga talento at galing ng mga musikero.

“Para sa akin, ito ang pinaka-enggrandeng selebrasyon, at okasyon, pinaghandaan talaga,” kwento naman ni  Leonilo Palaypayon.

Sa tatlong araw na pagdiriwang, itinampok  ang iba’t-ibang aktibidad katulad na lamang ng  Inter-Barangay Float Parade Competition, kung saan bida ang iba’t-ibang makukulay na float na naglalarawan ng sinaunang istilo ng panliligaw o ang Harana.

Sa pamamagitan naman ng pinaka-unang Honor de San Jose, binigyan ng pagkilala ang mga mang-aawit na may malaking kontribusyon sa pagpapa-unlad ng musika sa Partido Area. Sa choral competition naman nagpasiklaban ang mga grupo ng mga mang-awit, tampok ang orihinal na kanta ni Eduardo “TJ”  Arteche na “Partido”.

Habang napuno naman ang venue nitong weekend ng mga concert-goer na nag-abang sa live perfomance ng Moonstar88 at ni Rob Deniel na humarana sa mga manunuod.

Nagpasalamat naman ang alkade ng bayan ng San Jose sa mga dumalo at nakiisa sa itinuturing na pinakamalaki at engrandeng pagdiriwang na layuning makilala at suportahan ang mga local artists habang patuloy na pinalalawak at pinapanatili ang mayamang kultura at sining ng Partido Area.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *