E-sabong operations, dinipensahan muli ng Pangulo

Isinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga masasamang loob ang pagkawala ng mahigit 30 sabungeros habang dinidipensahan ang operasyon ng online sabong dahil sa bilyon-bilyong piso na ipinapasok nito sa gobyerno.

Ito ay sa gitna ng kahilingan ng mga senador na masuspinde ang e-sabong operations hanggang hindi pa nareresolba ang kaso ng mga nawawalang sabungeros na noong Disyembre pa nag-umpisa.

Sa talumpati ng Pangulo sa Palo, Leyte, ay sinabi niya na nakakakuha ang gobyerno ng P644 million kada buwan ang gobyerno na dahilan para pumalo ito sa bilyon-bilyong piso kada taon.

Iginiit niya na dapat ay ipaubaya na lamang ang kaso sa mga pulis dahil hindi naman ito kasalanan ng pamunuan.

Aniya, mga “evil men” o masasamang loob ang nasa likod ng pagkawala ng mga indibidwal.

Matatandaan na sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong linggo lamang na kumita ang gobyerno ng P3.7 billion mula Abril hanggang Disyembre 2021 sa e-sabong at P1.4 billion ngayong taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *