Enrollment ng mga estudyante sa Camarines Norte ngayong School Year kapus pa rin ng nasa halos 5 libo

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Department of Education na kapus pa rin ng halos limang libong estudyante ang enrollment ngayong School Year 2022- 2023 kumpara noong nagdaang School Year 2021- 2022.

Ayon kay Schools Division Superintendent Nympha Guemo nasa 173,000 ngayon ang enrollment kumpara sa mahigit 178, 000 noong nakaraang taon batay sa quick count o report ng mga LIS coordinators.

Aniya hindi nagta- tally ang report ng mga school head at LIS coordinator dahil sa  isyung teknikal tulad ng internet connectivity.

Agosto 22, sa pagsisimula ng unang araw ng face-to- face classes ang huling araw ng enrollment pero tumatanggap pa rin ngayon ng late enrollees.

Kaya naman pinaalalahanan ni Guemo ang mga eskwelahan at school heads na huwag tanggihan ang late enrollees basta makakumpleto pa rin ng 80 percent ng 203 number of school days.

Ginawa ni Guemo ang pahayag sa lingguhang programa ng Camarines Norte Division Office na DepEd Hour noong Sabado, Setyembre 3.

Yan ay sa gitna na rin ng nakarating umano sa kaniyang impormasyon na may eskwelahan na mismong ang school head pa ang tumangging tumanggap ng late enrollees.

Aniya, malinaw ang panuntunan ng DepEd hinggil sa bagay na ito.

Samantala, nagpasalamat naman si Guemo sa mga guro, school head at mga magulang dahil sa matagumpay na pagbubukas ng klase.

Aniya sa unang dalawang linggo ng klase ay naging maayos ito sa pangkalahatan sa kabila ng maulang panahon sa mga unang araw at linggo pa lang ng pagbubukas ng klase.

May mga bagong eskwelahan naman sa Basud at Capalonga na kailangan pa ng technical assistance.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *