‘Espiloa’ drug group, unti-unti nang nalalagas; lider at 4 miyembro, tiklo sa sunod-sunod na buy-bust ops

Tiklo sa drug buy-bust operations ng drug enforcement unit ng Sorsogon City Police Station ang isa na namang miyembro ng Espiloa Drug Group, gabi noong Biyernes, Hulyo 7 sa Sitio Baribag, Brgy Bibincahan, Sorsogon City.

Sa ikinasang COPLAN PARASITE, arestado si Roque Jerus Gacelo, alias Romel Gacelo, 21-anyos, binata, Asst. Cook sa isang pribadong establisamiyento at naninirahan sa Brgy San Juan Roro, East District, Sorsogon City.

Kabuuang 9 gramo ng pinatuyong dahon ng Marijuana na may street value na P1, 080 ang nasamsam sa suspek.

Nakuhanan pa ito ng improvised tooter at plastic sachet na may residue ng Marijuana na ayon sa mga operatiba ay ‘sininghot’ nito bago ang bentahan, indikasyon na rin sa pungay ng mata nito at sa drug paraphernalia na narekober sa posesyon nito.

Una rito, noong buwan ng Abril 22 sa Coastal Road, Brgy Sampaloc ng nasabing lungsod ay naaresto ang isa pang miyembro ng nasabing drug group na si Rolan Rey Jalmasco  Lanuza alias Lance Miles, 26-anyos, residente ng Brgy Talisay. Naging primary target ito ng COPLAN RAGNAROK.

Sunod na naaresto naman noong Hunyo 2 sa Brgy Balogo, sa kaparehong COPLAN, ang lider mismo ng nasabing grupo na si Elmer Demdam Espiloa, 18-anyos, binata, laborer at residente ng nasabing barangay.

Sa bayan ng Irosin ay naaresto ang pinakabatang miyembro ng nasabing grupo na isang 16-anyos na babae noong Hunyo 24 sa Brgy Buenavista. Itinuturing itong secondary target ng COPLAN RAGNAROK.

Sa Brgy Central, Bulusan, Sorsogon naman natiklo noong Hulyo 4, ang isa ring miyembro ng nasabing grupo na si Raul Gabitan Fuentes, 33-anyos, binata at naninirahan sa Brgy Sabang ng nasabing bayan.

Si Fuentes ay secondary target ng COPLAN PARASITE.

Lahat ng mga ito ay nakuhanan ng ipinagbabawal na Marijuana at nahaharap na sa kaukulang kasong may relasyon sa iligal na droga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *