Food packs mula sa DSWD naka pre-positioned na iba’t- ibang bayan sa Camarines Norte bilang paghahanda sa bagyong Paeng

CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naka pre-positioned na ang family food packs sa iba’t- ibang bayan sa Camarines Norte bilang paghahanda sa bagyong Paeng.

Ito ang inihayag ni Social Welfare Officer III at Provincial Action Team Leader Claudio Villareal Jr. sa naging panayam ng Brigada News FM Daet kaninang umaga.

Ayon kay Villareal mayroong mahigit limang libong family food packs na nagkakahalaga ng P2.9 milyon ang naka- prepositioned sa Labo, Capalonga, Sta Elena, Talisay, Jose Panganiban, Mercedes at sa kanilang Provincial warehouse.

Nilinaw naman ni Villareal na para lamang ito sa mga nag- evacuate sa evacuation center na accredited ng Lokal na Pamahalaan.

Ang basehan daw kasi ng pagbibigay ng family food packs ng DSWD ay ang mga isinumiteng datos ng LGU.

Siniguro rin ni Villareal na kung sakaling kulangin ang family food packs para sa relief operations ay mayroong buffer stock ang ahensiya.

Ang family food packs na ipinapamahagi ng DSWD ay naglalaman ng anim na kilong bigas, sampung iba’t- ibang klase ng de lata, cereals at kape.

Ang isang kahon ay kasya umano sa loob ng tatlong araw para sa isang pamilya na may minimum na limang miyembro.

Pagkatapos ng bagyo ay mayroon din aniyang food for work program ang ahensiya at kailangan lang mag request ang LGU

Sa pagbibigay ng relief  base sa DRRM law o DRRM act, mauuna muna ang barangay, pangalawa ang munisipyo na magbibigay ng relief, pangatlo ang probinsiya at pag apat ang DSWD pero sabi nga ng aming butihing Secretary, Secretary Erwin Tulfo na kapag kinakailangan na talaga hindi na namin kailangan na mag antay pa na magbigay sila, magbibigay na po tayo,” ani Villareal.

Nagpaalala rin ang ahensiya sa lahat na gawin ang mga kinakailangang pag iingat lalo na ang mga nasa tabing dagat at tubig, mga binabahang lugar at landslide prone areas na lumikas kung kinakailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *