Gale warning sa karagatang sakop ng Camarines Norte lifted na, lagay ng panahon bumubuti na rin

CAMARINES NORTE- Lifted na ang nakataas na gale warning sa karagatang sakop ng Camarines Norte at bumubuti na rin ang lagay ng panahon sa lalawigan matapos na maranasan ang mga pag ulan simula kahapon.

Sa inilabas na Sea Travel Advisory ng Coast Guard Station Camarines Norte kaninang umaga ay inalis na ang nakabanderang gale warning ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa.

Kalmado na rin ngayon ang sitwasyon ng karagatan kumpara sa nakaraang tatlong araw.

Dahil dito maaari nang pumalaot ang mga mangingisda na ilang araw ding natengga ang hanapbuhay bunsod ng nakabanderang gale warning.

Sa kabila nito patuloy pa ring pinapaalalahanan ang mga mangingisda ng ibayong pag iingat.

Hindi kasi nawawala ang peligro lalo na kapag ganitong panahon kung saan madalas na nangyayari ang mga maritime incident.

Paalala ng Coast Guard na palaging imonitor ang lagay ng panahon at makinig ng balita.

Pinapayuhan din ang mga mangingisda na hanggat maaari ay pumalaot lang sa mga lugar na mayroong signal at alamin ang mga numerong maaaring tawagan upang marespondehan kung magkaroon ng aberya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *