Guro, pinagbabaril-patay sa Abra

Patay ang isang guro matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang nakasakay sa kanyang motorsiklo sa harapan ng isang carwash kahapon ng umaga sa Barangay Lipcan, Bangued, Abra.

Kinilala ang biktima na si Rudy Steward Dugman, 38-anyos, single, nagtuturo sa Suyo National High School at tubong Boliney ngunit kasalukuyang naninirahan sa Baragay Zone 4, Bangued, Abra.

Ayon sa imbestigasyon ng Bangued Municipal Police Station, binabagtas ng biktima sakay ang motorsiklo nito ang Abra Ilocos Sur Road patungo sa kanyang trabaho sa naturang paaralan.

Sinundan umano siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo at nang makarating sa pinangyarihan nang insidente ay dito na siya pinagbabaril ng dalawang beses.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanang bahagi ng leeg at likod ang biktima na naidala pa sa pagamutan subalit binawian din ng buhay.

Agad namang tumakas ang mga salarin matapos ang krimen patungo sa Barangay Santa Rosa, Bangued, Abra.

Samantala, mariin namang kinundena ng Police Regional Office CAR ang nangyaring pamamaril sa naturang guro.

Inatasan na rin umano ang Abra Police Provincial Office (PPO) na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang agad matukoy ang mga salarin sa pamamaslang.

Kasalukuyan na rin umanong sinusuri ang mga nakalap na CCTV footage mula sa pinangyarihan ng insidente.

Nanawagan din si Regional Director PBGen. Mafelino Aspero sa sinumang nakasaksi sa pangyayari na makipagtulungan sa pulisya para sa agararang ikareresolba ng kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *