HRW: dapat lang mangialam ang ICC sa imbestigasyon sa drug war

Ibinahagi ni Asia Division of Human Rights Watch Senior Researcher Carlos Conde na ikinatuwa ng kanilang ahensya ang pagbabasura ng International Criminal Court sa apela ng bansa na huwag ituloy ang imbestigasyon sa war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Brigada NewsFM kay Conde, idiniin niya na ang ginagawa ng ICC, gaya ng iba pang mga international agencies, ay hindi isang panghihimasok, dahil kailangan din talaga ng bansa ang tulong ng mga ito, lalo na sa usapin ng pag-iral ng justice system sa bansa.

Iginiit din ng opisyal na karamihan sa mga biktima ng drug war ay hindi nakakukuha ng hustisya, lalo pa kung hindi ang mga ito mayayaman – bagay na binibigyang-diin ng ICC.

Sinabi pa ni Conde na mula sa higit-kumulang 30,000 na bilang ng mga biktima ng kampanya laban sa ilegal na droga ng Duterte administration, 3 pa lamang ang nahatulan at mangilan-ngilan lang ang iniiimbestigahan.

Dahil dito, kahit saan umano ito tingnan, malinaw na hindi gumagana ang justice system sa Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *