HRW, nanawagan sa PNP ng accountability kasunod ng pamamaril ng pulis sa isang lola sa QC

Nanawagan ang Human Rights Watch (HRW) sa Philippine National Police (PNP) na maging seryoso sa pagpapanagot sa mga rogue cops kasunod ng pamamaril ng isa sa kanilang mga tauhan sa isang ginang noong Lunes.

Sa isang statement, sinabi ng HRW na dahil sa insidente, lumalabas ang pangangailangan na magsuot ng body cameras ang mga pulis dahil tila napapanagot lamang ang mga ito sa krimen pag nakunan ng video. 

Giit ng HRW, ang nasabing insidente ay nagpapaala ng kahalintulad na pamamaril noong December 2020 ng pulis na si Joel Nuezca sa mag-inang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac na nakuhanan din sa video.

Bukod dito, ipinaalala rin ng HRW ang pagpatay kay Kian delos Santos kung saan nakulong ang suspek dahil mayroong kuha sa CCTV na nakitang hinihila ng isang pulis ang 17 anyos na binatilyo papunta sa isang madilim na iskinita kung saan sya natagpuang patay. 

Dahil dito, iminungkahi ng rights group na bawal patayin o buksan ng mga pulis ang kanilang body cameras para di mamanipula ang mga video. 

Dapat din umanong maging available ang mga video sa pamilya ng mga biktima at sa publiko. 

Iginiit ng HRW na iniugnay na ng ilang grupo ang mga nangyayaring pagpatay sa “culture of impunity” sa bansa na lumala sa nakalipas na limang taon sa ilalim ng war on drugs campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *