Kamara, hinimok ang mga broadcaster na ipagpatuloy ang laban kontra fake news

Hinimok ni House Speaker Martin Romualdez ang mga opisyal at miyembro ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas na ipagpatuloy ang masidhing laban kontra misinformation, disinformation at fake news lalo na sa social media.

Sa kanyang mensahe sa ika-limampu’t isang anibersaryo ng KBP, binanggit ni Romualdez ang mga isyung sumisira sa tiwala ng publiko sa mga institusyon kabilang na ang kumakalat na video ngayon sa social media kung saan mistulang ginaya ang boses ni Pangulong Bongbong Marcos gamit ang “deepfake technology”.

Dito ay inuutusan umano ni Marcos ang militar na gumawa ng hakbang laban sa isang partikular na bansa.

Ayon kay Romualdez, mahalaga ang papel ng mga broadcaster bilang protektor ng katotohanan sa paglaban sa maling impormasyon at pagtataguyod sa tiwala ng taumbayan.

Kinikilala umano niya ang gampanin ng KBP sa demokrasya bilang mapagkakatiwalaang daluyan ng katotohanan at tagapagsimula ng makabuluhang diskurso.

Ipinunto rin ng House Speaker na mas angat ang integridad ng mga tagapagbalita sa panahon na nagbabago ang media landscape dulot ng umuusbong na teknolohiya at paglipat sa digital space mula sa traditional platforms.

Kasabay ng pagpuri sa pagpapanatili ng mataas na pamantayan ng pagiging patas, umapela si Romualdez sa KBP na bantayan ang hanay o mga miyembro nito at aktibong linisin ang organisasyon laban sa mga kinokompromiso ang “ethics” sa pagbabalita ng katotohanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *