Karagdagang P1K pension na ipinangako ng dating administrasyon hindi kayang ibigay ng SSS

CAMARINES NORTE- Tahasang inamin ng Social Security System (SSS) na hindi kayang ibigay ang karagdagang isang libong pensiyon na ipinangako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isinagawang Press Conference noong Biyernes sinabi ni SSS Luzon Bicol Division Vice President Elenita Samblero na hindi ito posible kung walang increase sa kontribusyon ng mga miyemro.

Paliwanag ni Samblero mayroong tatlong milyong pensioner at hindi kakayanin ng pondo ng SSS kung ibibigay ang increase sa pensiyon.

Aniya kailangan ding i- secure ang future pensioners at hindi lang ang ngayon.

“Alam niyo po ang pagbibigay ng benepisyo hindi lang po yan tinitingnan ng SSS yung ngayon na mga pensioner, para sa kaanuhan ng pensioner sa ngayon meron pa rin po tayong miyembro na in- time sasama na rin po sila dun sa grupo ng mga retirees, so eto po kailangan din naming protektahan,” ani Samblero.

Bukod dito marami din aniyang  benepisyo ang ibinibigay ngayon ng SSS tulad ng unemployment benefit para sa mga nawalan ng trabaho lalo na noong kasagsagan ng pandemya.

Nabawasan din umano ang koleksyon ng ahensiya dahil maraming mga employer ang naapektuhan ng COVID- 19 pandemic.

Mayroon ding sickness at expanded maternity benefit na kailangang ibigay ng SSS at 13th month pension na katumbas ng isang daang porsiento ng tinatanggap ng pensiyonado.

Umapela ang SSS sa mga pensiyonado na sana ay maintintindahan ang kasalukuyang kalagayan ng pension fund.

Sa ngayon ay wala pa umanong ibinababang actuarial study ang top management ng SSS hinggil sa kanilang pondo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *