Kongresista, pinuna ang kawalan ng aksyon ng DOE sa numinipis na suplay ng kuryente

Kinondena ni Pangasinan Second District Representative Mark Cojuangco ang kawalan umano ng agarang aksyon ng Department of Energy sa lumalalang sitwasyon ng kuryente kada taon.

Ayon kay Cojuangco, malinaw ang pangangailangan ng energy transition upang gawing sapat at abot-kaya ang suplay ng kuryente ngunit hindi pa rin kumikilos ang DOE para sa deployment ng cost-effective na nuclear power.

Mayroon na aniyang PNPP-1 sa Bataan na isandaang porsyento nang natapos at hinihintay na lang ang commissioning kung saan handang tumulong ang South Korea para sa technical expertise at financing.

Nanawagan din ang kongresista sa ahensya na muling i-evaluate ang pagsusulong sa nuclear energy at magtakda ng target na 16,000 megawatts sa taong 2045.

Paliwanag nito, sa panahon na nagtataasan ang heat index sa iba’t ibang lugar sa bansa ay hindi katanggap-tanggap na nagkakaroon pa rin ng rotational brownouts.

Punto pa ni Cojuangco, tuwing nawawalan ng suplay ng kuryente ay nagkakaaberya sa operasyon ng mga negosyo at apektado ang manufacturing at service industries kaya bumabagsak ang economic output at nagiging mahal ang gastusin.

At dahil kailangan ang 24/7 secure supply ng kuryente sa isang digital economy, marapat lamang umano na tiyakin na sapat ito lalo’t patuloy din sa paglobo ang populasyon na nagpapataas sa demand.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *