Lakers pasok na sa playoffs, tinalo ang GSW, 103-100

Pasok na sa NBA playoffs ang Los Angeles Lakers matapos talunin ang Golden State Warriors, 103-100 sa play-in tournament ng Western Conference para masiguro ang 7th spot.

Susi sa panalo ang 3-pointer ni Lebron James sa natitirang 58.2 segundo ng laro upang makawala sa 100-100 tie na score.

Lumamang pa ng hangang 13 puntos ang Golden State subalit pagdating ng ikatlong quarter ay nagsimulang uminit ang Los Angeles para muling makahabol sa laban.

Nagpamalas ng triple-double performance si James sa kanyang 22 points, 11 rebounds, at 10 assists.

Dinagdagan naman ito ng 25 puntos at 12 rebound ni Anthony Davis habang may 14 puntos si Alex Caruso mula sa bench.

Muling nagpasiklab si 2-time MVP Steph Curry sa kanyang 37 points at 7 rebounds subalit hindi pa rin ito sapat para talunin ang defending champion.

Dahil sa panalo makakaharap ng Lakers ang no. 2 seed sa West na Phoenix Suns habang ang Warriors ay makakasagupa ang Memphis Grizzlies para pag-agawan ang huling pwesto sa playoff spot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *