LGBTQ member, patay matapos pagsasaksakin ng karelasyon sa loob ng lodge sa Taal, Batangas

Patay na ng matagpuan ng mga staff ang isang LGBTQIA member matapos na pagsasaksakin ng lalaking kanya umanong karelasyon habang nakacheck-in sa isang lodge sa Brgy. Cawit, Taal, Batangas noong Linggo ng gabi, Pebrero 05, 2023.

Kinilala ng Taal Municipal Police Station ang biktima na si lvin Aldover y Babao, 26 anyos, at residente ng Tierra Berde Subd., Pallocan Kanluran, Batangas City.

Naaresto naman ang suspek na kinilalang si Arnel Jarenu y Tejada, 31 at residente ng Sto. Niño, Ibaan, Batangas.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nag check-in umano ang dalawa noong Linggo dakong alas-6:40 ng gabi sa Room 7 ng Catherine Lodge Hotel sa nabanggit na barangay.

Bandang alas-8:30 ng gabi ay nag-away umano ang dalawa sa hindi nalamang dahilan at nauwi sa pananaksak.

Nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima habang nagkaroon din ng sugat ang suspek.

Tinangka pang tumakas ng suspek ngunit naabutan din ito ng rumesponding pulis.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng naturang himpilan ang suspek.

Narekober sa labas ng kwarto ang kulay orange na Mitsubishi Strada ng biktima habang sa loob ng kwarto ay nakuha ang isang unit ng iPhone, relo, calculator, 2 piraso na gold necklace, isang gold bracelet, dalawang wallet na laman ay mga IDS, dalawang notebook, isang itim na bag at ang perang nagkakahalaga sa 22,000 pesos.

Ayon sa imbestigador na si PSSg Felix Cantero ng Taal MPS, inaalam na nila ang motibo ng suspek at hindi pa ito sumasagot sa kanilang mga tanong.

Napag-alaman na dawalang taon na umanong magkarelasyon ang dalawa.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa naturang insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *