Libong trabaho asahan sa pagsisimula ng operasyon ng Bicol International Airport

BICOL—Libong trabaho pa ang naghihintay sa mga job seekers sa pormal na pagsisimula ng operasyon ng Bicol International Airport (BIA) sa Daraga, Albay.

Bago ang pagbubukas nito, umabot na sa 755 na trabaho ang nalikha sa konstruksyon ng paliparan at inaasahang panibagong 1,100 o higit pang indirect jobs naman ang magiging abilable sa pagsisimula ng commercial operations nito.

Bukas, araw ng Miyerkules ay isasagawa ang inauguration sa BIA na papangunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa Huwebes naman, Oktubre 7 ay lilipad ang unang commercial domestic flight nito.

Ayon kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade, dumaan ng tatlong ground breaking ceremonies ang paliparan bago ang Duterte administration at inabot ng 11 taon bago ito tuluyang naisakatuparan.

Marami rin anyang pinagdaanan ang pagtrabaho sa airport dahil mayroong mga insidente ng panununog na naganap sa mga kagamitang ginagamit sa konstruksyon nito.

Hanggang nitong Linggo, Oktubre 3, nasa 92.56 percent na ang completion rate ng BIA kabilang ang Passenger Terminal Bldg na nasa 97.28% nang gawa; Runway Extension, 79.27%; Administration Building, 98.93%; Air Traffic Control Building, 98.65%; Crash Fire Rescue Building, 98.40%; Cargo Terminal Building, 98.59% at Power House Building na nasa 98.69% nang kumpleto.

Ngayong Oktubre 5, target namang maiposisyon ang passenger boarding bridge nito at Oktubre 7 ay handa na itong magsilbi sa mga domestic passengers.

Ayon naman kay CAAP Chief of Staff at Airport Projects Team Head Danjun Lucas, target nilang masimulan na rin ang international flight sa BIA sa November 7 o isang buwan matapos ang pag arangakada ng domestic flights nito.### ||slm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *