Mahigit 174k health workers sa Bicol target maturukan ng booster dose laban sa COVID-19

BICOL—Umaabot sa 174,267 individuals mula sa Priority Group A1 o mga health workers sa Bicol region ang target na mabakunahan ng booster dose ng COVID-19 vaccine.

Sila ang mga nakakumpleto ng primary doses ng bakuna kung saan ayon sa Department of Health (DOH), lahat ng health workers na nakatanggap ng primary doses ang siyang babakunahan ng booster dose.

Ang mga kwalipikadong health workers ay maaaring tumanggap ng single shot booster dose anim na buwan matapos silang mabakunahan ng first at second dose ng two doses vaccine o tatlong buwan naman matapos maturukan ng single dose Janssen COVID-19 vaccine.

Kabilang sa mga two doses vaccines na ginamit sa rehiyon ay ang Pfizer-BioNTech, Moderna, Sinovac, Gamaleya, at AstraZeneca COVID-19 vaccines.

Ayon sa DOH, makakatulong ang extra dose ng bakuna na ma-boost ang immune response ng katawan habang nananatili namang epektibo sa pagpapababa ng panganib sa mas malalang kondisyon hanggang sa pagkakaospital ang primary doses ng COVID-19 vaccines.

Ang pagtuturok ng booster doses ay maaari ring isabay sa papalapit na National Vaccination Days mula November 29 hanggang December 1, 2021.

Prayoridad rito ang mga health workers bagamat nagpapatuloy na ang pagpaplano at paghahanda ng mga LGU sa pagtuturok nito sa iba pang priority groups gaya ng senior citizens at persons with comorbidity.

Kasabay ng pagsisimula ng pagtuturok ng booster doses sa bansa ay muli namang hinihimok ng DOH Bicol ang lahat ng Bicolanong edad 12 anyos pataas na wala pang natatanggap kahit isang dose ng bakuna na magpabakuna na.### | slm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *