Mahigit 61k Philsys ID card naideliver na sa mga Sorsoganon; delay sa pagrelease, ipinaliwanag ng PSA

SORSOGON CITY—Natanggap na ng nasa 61,003 na mga Sorsoganon ang kanilang Philsys ID card base sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA) Sorsogon hanggang nitong May 2022.

Ito ang kinumpirma ng Chief Statistician ng PSA Sorsogon na si Elvira Apogñol sa naging panayam ng Brigada News FM.

Kaninang umaga, isinagawa ang pilot delivery ng Philpost sa mga Philsys ID cards sa mga Barangay ng Cambulaga at Peñafrancia sa lungsod ng Sorsogon habang kahapon ay nauna nang naideliver sa Barangay Del Rosario, Bacon district ang Philsys ID cards ng mga residenteng nagparehistro.

Nilinaw ni Apogñol na hindi ibig sabihin na sabay sabay na nagparehistro ang ilang indibidwal ay sabay sabay ding matatanggap ang Philsys ID.

Mabusisi kasi umano ang proseso pagdating sa printing ng demographic profile ng mga nagparehistro mula sa pag generate ng Philsys number hanggang sa pagberipika sakaling may kaparehong pangalan o detalye sa ibang indibidwal.

Ito umano ang ilan sa mga rason kung bakit may mga nagparehistro na natatagalan ang printing ng ID.

Samantala, sinabi ni Apogñol na nasa kabuuang 729,003 ang kanilang target na mairehistro sa probinsya ng Sorsogon hanggang sa Disyembre 2022 at sa ngayon ay nasa 607,429 na nito ang rehistrado kung kaya mayroon na lamang na 121,574 ang kailangang mairehistro.

Magugunita na una nang ipinag-utos ni Presidente Ferdinand Marcos Jr ang pagpapabilis sa printing at distribution ng national ID sa buong bansa.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *