Mas maraming defense, economic cooperation ng PH at US – inaasahan pa

Naging mabunga at makabuluhan ang pagbisita ni House Speaker Martin Romualdez at ang kasamang delegasyon sa Washington, D.C. upang talakayin ang iba’t ibang aspeto ng ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos at komprontahin ang mga nararanasang hamon.

Ayon kay Romualdez, pinahahalagahan ng Pilipinas ang suporta ng Amerika at mga kaalyado nito sa rehiyon pati na ang Europa sa pagtugon sa mga hamon sa West Philippine Sea.

Kahit aniya naglalabas lamang ang mga ito ng pahayag ng pagkabahala at pagmamalasakit ay malaking tulong na sa pagpapatibay ng depensa sa soberanya, maritime domain at territorial integrity.

Sinabi ng Speaker sa US counterparts na umaasa siya sa mas marami pang dayalogo na magpapalakas sa kolaborasyon ng dalawang bansa lalo na sa defense at economic cooperation.

Sa panig ng Estados Unidos ay mas malawak umano ang tulong nito partikular sa militar kasama ang joint patrols at humanitarian missions.

Giit ni Romualdez, ikinalulugod ng bansa ang lahat ng tulong na magsusulong ng modernisasyon sa Armed Forces at magpapalakas sa civilian law enforcement capabilities.

Bukod dito, mahalaga para sa House leader ang pagpapalawak sa economic cooperation upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya.

Patunay dito ang paglulunsad sa Luzon Economic Corridor na natalakay sa makasaysayang trilateral summit kung saan pagdudugtungin ang Subic Bay, Clark, Maynila at Batangas sa pamamagitan ng modernong pantalan, railways, clean power projects at supply chain improvements.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *