Mga “abacaleros” binigyang pugay sa nagpapatuloy na Abaca Festival sa Catanduanes

BICOL—Kaugnay ng nagpapatuloy na selebrasyon ng taunang Abaca Festival sa lalawigan ng Catanduanes, binigyang pugay ng lokal na pamahalaan ang lahat ng mga “abacaleros” sa islang probinsya na sila umanong naging rason kung bakit natamo ng Catanduanes ang bansag na “Abaca Capital of the Philippines.”

Ang lalawigan kasi ng Catanduanes ang top producing province ng abaca sa buong bansa kung saan ang pagtatanim at pag-ani ng hibla nito ang mayorya sa hanapbuhay ng mga taga isla.

Batay sa tala, nasa 14,000 na mga “abacaleros” o mag-a-abaca sa lalawigan ang naka depende sa pagtatanim at pag-ani ng abaca na siyang ini-export sa iba’t-ibang panig ng bansa at maging sa ibang bahagi ng mundo.

Ang hibla ng abaca ay kilala bilang pinaka makalidad na uri ng himaymay na kapag hinabi ay nagiging magandang uri ng tela na ginagamit sa paggawa ng damit, kurtina, papel, lubid at iba pang produkto.

Ngayong araw ng Miyerkules, ay nakatakdang gawin ang Abaca Festival Virtual Concert, Abaka Tiktok Dance Fest, at Abaca-da: Usaping Pagpapaunlad ng Industriyang Abaca sa Isla.

Dahil sa COVID-19 pandemic ay ginawang online o virtual ang selebrasyon ng nasabing festival na magtatagal hanggang Mayo 28, araw ng Biyernes.-30-

Photo  Courtesy: Catanduanes Tourism Promotion Abacaptures Entry No. 19

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *