Mga abono, sinimulan nang ipamahagi ng DA region 2 sa mga rice farmers

Nagsimula na ang pamamahagi ng mga abono ang Department of Agriculture Regional Field Office 2 sa mga magsasaka ng palay sa lambak ng Cagayan.

Isinagawa ang distribusyon sa dalawang lalawigan ng Cagayan at Isabela kasabay ng kick-off ng National Rice Program (NRP) – Fertilizer Discount Voucher System noong Setyembre 20, 2021.

Ayon kay Regional Director Narciso Edillo, nasa 1,380 na mga magsasaka na nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang inisyal na nabenipisyuhan sa Iguig, Cagayan.

Nagkakahalaga naman ito ng 3.7 million pesos para sa wet season at karagdagang 3 million pesos naman para sa dry season.

Dagdag pa ni RD Edillo, ang mga nakatanggap na mga magsasaka ng voucher ay ang mga benepisaryo rin noon ng hybrid seed.

Paliwanag niya, kapag ang isang farmer ay recipient ng indre seed ay makakakuha ito ng 2,000 pesos na discount sa bibilhing abono habang ang mga nakatanggap naman ng hybrid seed na magsasaka ay mayroong Php3,000 pesos na FDVS at maximum ang 2 ektarya kada farmer.

Sinabi pa ni RD Edillo na mahalagang makapag-enroll sa RSBA ang mga magsasaka sa kanilang mga lokalidad upang matiyak na mapapasali sa mga programa at benepisyo ng DA.

Samantala, ang Brgy. Muñoz ng bayan Roxas ang isa naging benepisaryo ng naturang programa sa lalawigan ng Isabela. Magagamit naman ng mga magsasaka ang kanilang natanggap na voucher sa mga DA accredited supplier.

Inihayag naman ni Dr. Marvin B. Luis, Region 02 Rice Program Focal Person na kahit papaano ay malaking tulong ito sa mga magsasaka na naapektuhan ng pandemic.

Ayon pa sa kaniya, nasa Php966M ang kabuoang halaga ng alokasyon para sa mga magsasaka sa lalawigan ng Cagayan at Isabela na tinaguriang hybrid provinces.

Photo/DA Region2

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *