Mga buhay na baboy at ‘pork meat products’ mula sa ibang lalawigan, papahintulutan nang makapasok sa Catanduanes

BNFM BICOL— Naglabas ng panibagong kautusan ang pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes hinggil sa muli nitong pagpapahintulot sa pagpapasok ng mga buhay na baboy, at mga processed pork meat products mula sa ibang probinsya ng Bicol at maging sa mga karatig lugar.

Ang naturang E.O ay ipinag-utos ng Provincial Government kasunod ng kumpirmasyon ng Provincial Veterinary Office, na wala na umanong naitatalang kaso ng African Swine Fever sa lalawigan mula nang isinagawa ang pinakahuling depopulation nitong Pebrero 21 ng nakaraang taon.

Ganunpaman, nakasaad sa Section 1 ng nasabing E.O. na kinakailangang may Veterinary Health Certificate mula sa lisensyadong Farm o Municipal and City Veterinarian ang mga ibi-biyaheng buhay na baboy papasok ng Catanduanes.

Bukod dito, kinakailangan rin ang shipping permit mula naman sa Regional o Provincial Quarantine Officer ng place of origin ng mga baboy.

Matatandaang nitong nakaraang taon ay ipinagbawal sa lalawigan ng Catanduanes ang pagpapasok ng mga buhay na baboy at pork meat producs mula sa labas ng probinsya dahil sa banta ng ASF.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *