Mga kongresista, naglabas ng hinanakit sa Supreme Court ukol sa TRO pabor kay Gov. Mamba

Kinuwestyon ng mga kongresista ang pagpapalabas ng Korte Suprema ng temporary restraining order o TRO laban sa contempt citation kay Cagayan Governor Manuel Mamba.

Kaugnay ito sa pagkaka-detain kay Mamba sa utos ng dalawang komite na dumidinig sa umano’y maanomalyang paggasta ng gobernador noong election campaign season.

Sa naging pagdinig ng House Appropriations Panel sa 2024 proposed budget ng judiciary, naglabas ng hinanakit ang ilang mambabatas dahil posibleng mauwi umano sa Constitutional crisis ang ginawa ng Supreme Court.

Ayon kay SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta, kung naglabas ng TRO ang Kataas-taasang Hukuman ng TRO, paano na lang kung maghain ng panukalang batas ang mga kongresista na mag-aalis sa judicial power of review.

Iginiit din ni Bukidnon Representative Jonathan Flores na may Constitutional right ang Kongreso na magsagawa ng inquiry in aid of legislation.

Ni hindi aniya nagtangka ang korte na pagpaliwanagin o makipag-ugnayan man lang sa Kamara ukol sa contempt order laban kay Mamba.

Buwelta nito, laging “grave abuse of discretion” ang idinadahilan ng SC sa panghihimasok sa mga hakbang ng Mababang Kapulungan ngunit sino naman ang magbabantay kung sila ang gagawa nito.

Depensa naman ni Supreme Court Administrator Raul Villanueva, sinusunod lamang nila ang internal rules nang tugunan ang petisyon ng gobernador.

Dagdag pa ni Isabela Representative Antonio Albano, mas makabubuti na magkaroon ng mekanismo ang korte pagdating sa komunikasyon hinggil sa interpretasyon ng TRO issuances lalo na kung nasasagasaan ang tungkulin ng lehislatura.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *