Mga tanggapan sa main building ng Viga Municipal Hall sa Catanduanes, ini-lockdown matapos tamaan ng COVID-19 ang isang empleyado

Catanduanes—Pansamantalang nakasara ngayon ang mga tanggapan sa main building ng munisipyo sa bayan ng Viga, lalawigan ng Catanduanes.

Batay sa Memorandum No. 82 series of 2021 na ibinaba ni Viga Mayor Emeterio M. Tarin, naka lockdown ngayon ang mga tanggapan sa main building ng munisipyo matapos na mag positibo sa COVID-19 ang isa sa mga empleyado nito na kamag-anak ng isa pang LGU employee na tinamaan din ng sakit.

Ang ipinatupad na PREVENTIVE CLOSURE  OF OFFICES sa naturang establisiyemento ay batay na rin aniya sa rekomendasyon ng Municipal Health Office upang maiwasan ang pagkalat at hawaan ng COVID-19.

Tatagal ang naturang lockdown sa munisipyo ng Viga hanggang August 27, araw ng Biyernes.

Kaugnay nito, inabisuhan rin ang iba pang empleyado ng munisipyon na sumailalim sa self-quarantine  at self-monitoring at pinayuhang huwag munang lalabas ng kanilang mga bahay kung hindi naman kinakailangan.

Dagdag pa ng alkalde, ang sinumang empleyadong makikita o mahuhuling nasa labas na walang anumang essential purpose o transaksiyon ay ipapatawag sa tanggapan ng alkalde upang pagpaliwanagin.

Batay sa pinakahuling tala ng Provincial Health Office, ang bayan ng Viga ay kasalukuyang may apat na aktibong kaso ng COVID-19.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *