Mister na nanulak sa asawa, sinaksak ng anak- Patay!

Patay ang isang padre de pamilya sa saksak ng sariling anak sa Purok 15, Sitio Tagbarungis Brgy. Inagawan-Sub, Puerto Princesa City ganap na alas-otso kagabi, April 7, 2022.

Ang biktima ay si Wilfredo Manango Verdida 66 anyos habang ang suspek ay si Gideon Galia Verdida, 38 anyos na parehong nakatira sa Tagbarungis.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa asawa ng biktima na si Isedra Galia Verdidad pumunta sila sa birthday party sa kapitbahay at habang sila’y pauwi ay itinulak umano siya ng asawa na nakita ng suspek kaya nag-away ang mag-ama.

Nang nakauwi sila sa kanilang tinitirhan ay tinanong ng biktima o ni Wilfredo ang asawa kung bakit ito umiiyak at sinabing “tama na ‘yan matulog ka na.” Pagkatapos nito ay nakarinig na lang si Isedra ng sigaw sa kanyang asawa at sinabi nitong “Yong anak mo sinaksak ako, tulong!”

Humingi ng tulong si Isedra sa mga kapitbahay habang ang anak na suspek ay tumakas.

Ayon kay Kagawad Elaine De Guzman, sinabi ng manugang at apo ng biktima na sa kili-kili ang tama ng saksak ni Wilfredo.

Samantala, isinugod sa Aborlan Medicare Hospital bago dinala sa Ospital ng Palawan ang biktima habang tinutugis ang suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *