Monitoring at pag-obserba sa taong tinurukan ng bakuna, maaaring umabot ng isang taon – DOH Sorsogon

SORSOGON CITY – Nilinaw ng head ng Department of Health (DOH)-Sorsogon na si Dr. Gladys Escote na hindi natatapos sa pagpapaturok ng bakuna ang monitoring na ginagawa ng mga kinauukulan sa mga binakunahan kontra Covid-19.

Pahayag ito ng opisyal sa harap ng ilang puna hinggil sa diumano’y pagkakasakit matapos nilang mabakunahan.

Ayon dito, kahit tapos nang mabakunahan ay mayroon pa ring post monitoring na ginagawa sa pasyente kung saan pinapayuhan ito na kapag mayroong hindi magandang naramdaman pagkatapos na mabakunahan ay dapat itong ipagbigay-alam sa mga kinauukulan.

Aniya, ito umano ang dahilan kung bakit mayroong ibinibigay na contact number na nakasulat mismo sa vaccination card ng indibidwal na siya nitong kokontakin at tatawagan  kapag mayroon siyang hindi magandang naramdaman.

Sa huli, muling ipinaalala ng opisyal na bago pa man nagsimula ang pagbabakuna noong nakaraang taon ay kanila na umanong inihayag na hindi natatapos sa pagbabakuna ang pag-obserba o monitoring sa indibidwal kundi ito ay maaaring umabot ng isang taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *