Nakabarang buto ng manok sa baga, sanhi ng hindi mawala-walang ubo ng babae sa China

China–  Ang ating lungs o baga ang mayorya sa bahagi ng ating katawan na siyang inaatake ng COVID-19 virus kapag tumama ito sa isang tao, kaya ang matinding pag-ubo at hirap sa paghinga ang ilan lamang sa mga matinding sintomas nito.

Simula nang magkaroon ng pandemya, ang pagkakaroon ng ubo ay nagdudulot na ng labis na pangamba lalo na kung sasabayan pa ng trangkaso, sore throat at iba pang sintomas ng COVID-19.

Ngunit sa bansang China kung saan pinaniniwalaang nagmula ang pandemya, isang 22-anyos na babae ang matagal nang dinaramdam ang hindi mawala-walang ubo simula ng siya ay pitong taong gulang pa lamang.

Ayon kay Mei, hindi niya totoong pangalan, hindi na mabilang ang doktor at manggagamot na kanyang nilapitan para lamang isangguni at mabigyang lunas ang kanyang hindi mawala-walang pag-ubo, ngunit sakabila ng mga reseta at gamot na kanyang ininom ay hindi pa rin siya gumagaling.

Matapos ang halos 14 na taon, ay sumailalim si Mei sa ilang mga pagsusuri nang magpasya siyang magpa opera dahil sakanyang ‘hyperhidrosis’ o ang labis na pagpapawis. Isinailalim sa CT scan ang kanyang baga upang matiyak na kakayanin ng kanyang katawan ang operasyon.

Dito na nadiskubre ng mga doktor ang ‘foreign object’ na nasa  baga ni Mei na dahilan ng kanyang hindi gumagaling na pag-ubo. Isang piraso ng maliit na buto ng manok ang nakita at tinanggal ng mga doktor mula sakanyang baga.

Hindi pa malinaw kung paano nakapasok ang buto ng manok sakanyang baga ngunit hinala ng mga ito, maaaring nasinghot umano ito ni Mei noong siya ay bata pa.

Sa ngayon ay nasa mabuti na siyang kondisyon at natapos na rin ang matagal na niyang iniindang sakit.### JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *