NNC Bicol may paalala ngayong National Nutrition Month

LEGAZPI CITY – Load at gift checks ang ilan sa mga pa-premyo ng National Nutrition Council Region 5 para sa mga aktibidad na gagawin ng naturang ahensya kaugnay ng pagdiriwang ng National Nutrition Month ngayong taon na may temang “New Normal na Nutrisyon, Sama-samang Gawan ng Solusyon.

“Sa pagdriwang na ito, ating binibigyang halaga ang kalusugan ng bawat Pilipino at mga komunidad.

Kung di tayo healthy, madali tayo magkasakit at magastos magkasakit. Kaysa sa pagkain, sa gamot mapupunta ang ating mga resources,” sabi ni NNC Region 5 OIC Marilyn Valeza .

Layunin din ng pagdiriwang na mapaigting ang pagtuon ng pansin at pagkakaisa tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng nutrisyon sa bansa habang patuloy na umaahon sa epekto ng COVID-19.

“Nais natin na maging malusog araw araw para malabanan ang COVID-19. Ating linangin ang ating kakayahan para tayo ay may pambili ng sapat na pagkain at pagtatanim ng ating mga pamilya at komunidad upang may mapagkunan ng masustansiyang pagkain,” ani Valeza.

Aniya, mahalaga rin na sa maagang edad ay nakatanim na sa isip ng mga kabataan ang kahalagahan ng nutrisyon sa tulong ng kanilang mga guro.

Katuwang ang LGU Legazpi City sa pagbubukas ng pagdiriwang ,kung saan inilunsad din ang Government on Hunger – Malnutrition Interventions and Expansion (G.H.I.E) Project na layuning makamit ang food security sa lungsod sa pamamagitan ng pagpapaigting ng programa sa agrikultura, nutrisyon at kalusugan.

Ani Valeza, kasama sa programang ito ang eggs distribution kung saan nasa 300 na itlog ang ipamimigay araw-araw sa mga malnourished na bata sa iba’t ibang barangay sa lungsod sa loob ng 180 na araw bilang bahagi ng dietary supplementation program.

Kanya ring hinimok ang mga LGUs na suportahan at paglaanan ng sapat na pondo ang kanilang mga nutrition programs kasama na ang pagtatalaga ng nutritionist/dietician upang makatulong sa kanilang mga programa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *