NMIS-Bicol, nagbabala laban sa mga binebentang karne at iba pang meat products online; mga mamimili, dapat umanong maging mapanuri sa mga binibili lalo na ngayong pandemya

BICOL – NAGBABALA ngayon ang National Meat Inspection Service o NMIS Bicol sa mga Bicolano na maging maingat at mapanuri sa pagbili ng karne at iba pang mga meat products online.

Ayon kay Villahermosa Macuja, NMIS meat inspector, dahil sa pandemya ay nakasanayan na umano ng marami ang pagbili at pagbebenta ng halos lahat ng commodities sa internet kasama na ang produktong karne.

Aniya, ang pagbili ng meat products online ay mapanganib sa health at safety ng publiko.

Bukod sa na-proseso na ito at mahirap nang matukoy kung saan nagmula ang karneng ginamit, marami ring umanong factors na dapat ikonsidera ang mamimili kung bibili online tulad ng kulay ng karne, amoy at label.

Dagdag pa nito, ang pag alam sa meat source, handling practices, traceability at shelf life ng karne ang mga dapat ikonsidera para makatiyak na kalidad at ligtas na ibinibentang meat products hindi lamang online kundi maging sa mga palengke at supermarket.

Pinayuhan din nito ang mga online buyers na bumili lamang sa mga lehitimong meat sellers at stores para matiyak na mayroong mako-contact sakaling may tanong o reklamo.

Kahit kasi kailangan ang permit sa pagbebenta ng nasabing produkto, marami umanong mga online sellers, partikular ang maliliit na negosyante ang walang kakayanang makapag secure nito, kung kayat nasa mamimili pa rin umano kung susugal sa pagbili ng mga produkto mula sa mga hindi rehistradong tindahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *