NPA na may kinakaharap na kaso, patay sa engkwentro sa Masbate

SORSOGON CITY – Nasawi sa engkwentro ang isang miyembro ng Special Partisan Unit (SPARU) na may kinakaharap na kasong murder sa bayan ng Aroroy, Masbate.

Sa ulat, matapos ang 15 minutos na engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng rebeldeng grupong NPA sa Sitio Alpha, Brgy Balete ng nasabing bayan, natagpuan ang bangkay ni Roberto Calimutan Emaas alias Ka Obet miyembro ng Larangan 1, Komite Probinsyal 4 na pinamumunuan ni Eddie Rosero alias Ka Star.

Maliban sa narekober na bangkay ni Emaas sa likuran ng Balete Elementary School, nakuha din sa pinangyarihan ng engkwentro ang 2 anti-personnel mine (IED), isang bandolier na may naka-insert na dalawang mahabang magazine, 26 na pirasong bala ng M16, at iba pang kagamitan ng mga rebelde.

Si Emaas ay isa sa dalawang akusado sa pagpatay sa dati nilang kasamahan na si Lina Evangelista Montilla, 53-anyos, noong buwan ng Enero nitong taon sa nabanggit na bayan.

Kasama ni Emaas sa asunto ay si Alexander Dometita alias Ka Rudy, miyembro din ng SPARU ng naturang hukbo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *