P2M cash prize sa outstanding MMK awardee, ibinigay na ng BFAR Region 2

Ibinigay na ng Department of Agriculture Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) Region 2 sa LGU-Gonzaga ang 2 million pesos na kanilang premyo matapos manalo sa regional search para sa Masagana at Malinis na Karagatan (MMK) 2020.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News DM Cauayan, isinagawa ang awarding ceremony kasabay ng 74th Anniversary ng BFAR at send-off tribute kay outgoing Regional Director Milagros Morales.

Inihayag ni RD Morales na magpapatuloy pa rin ang suporta niya sa mga mangingisda.

Nagpasalamat naman si LGU Gonzaga Municipal Agriculturist Ferdinand Baclig sa fisheries bureau matapos maitanghal bilang Top Performing Local Government Unit on Fisheries Governance sa buong rehiyon.

Aniya, makakatulong ang kanilang premyo upang panatilihin ang isinasagawang ecological development sa coastal and marine resources ng bayan sa pamamagitan ng mga programa sa environmental protection, livelihood, education at iba pang interbensyon.

Inaasahan naman niya na makakapasok ang bayan sa National Level matapos maitanghal bilang Most Outstanding Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) sa GAWAD SAKA national search noong 2017.

Samantala, ayon naman kay MMK Regional Focal Person Dr. Emma Ballad, ilan sa criteria sa naturang kompetisyon ay ang inisyatibo ng bayan upang matigil ang ilegal na pangingisda, pagsunod sa off-fishing season at pagbabawal sa pangongolekta ng endangered species, pag-adopt ng Marine Protected Area (MPA) o Fisheries Management Area, pagpapanatiling malinis ang karagatan at pagkakaroon ng mangrove protection and rehabilitation program.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *