Pag-block sa mga websites at news outlets, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinaiimbestigahan na sa Kamara ang naging hakbang ng National Telecommunications Commission na i-block ang ilang mga websites pati na rin ang ilang independent news media outlets dahil sa umano’y kaugnayan nito sa mga komunistang rebelde.

Inihain ng Makabayan bloc ang House Resolution no. 49 na layong magkaroon ng congressional probe sa naging order noon ni dating National Security Adviser Hermogenes Esperon na ipasara ang mga naturang websites na konektado ‘di umano’ sa mga communist groups.

Kabilang sa mga naghain ng panulaya ay sina ACT Teachers party-list Rep. France Castro; Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas; at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.

Nanawagan sila sa Commitee on Human Rights at Commitee on Public Information na maimbestigahan ang hakbang na ito ng Anti-Terrorism Council.

Sa ilalim ng resolusyon, ipinunto ng mga mambabatas na wala umanong sapat na ebidensyang inilatag si Esperon para patunayang related ang mga websites na ito sa mga rebelde.

Binatikos din ng mga mambabatas ang maling header sa order ng NTC kung saan ay imbis na blocking of websites ang laman, ay nagka-error pa ito at ang nakalagay ay blocking of illegal online cockfighting websites.

Una nang binatikos ng mga press freedom advocates ang hakbang na ito noon ni Esperon dahil sa pangambang masusupil ang malayang pamamahayag.

Maliban kasi sa mga websites ng Bayan, Save our Schools Network at iba pa – pinasara rin ng NTC ang ilang mga alternatibo at independent media websites gaya ng Bulatlat at Pinoy Weekly.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *