Pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Albay, dahil sa mahigpit na border control – Gov Bichara

BICOL—Malaki ang naitulong ng mahigpit na border control sa lalawigan ng Albay sa pagbaba ng kaso ng COVID-19.

Ito ang inihayag ni Governor Al Francis Bichara matapos na maobserbahan ang signipikanteng pagbaba na sa bilang ng mga kasong naitatala kada araw kung kaya bumaba na rin ng halos 50% ang aktibong kaso nito.

Mababatid na simula nang pumasok ang buwan ng Agosto ay hindi na lumalagpas sa 20 ang daily cases ng coronavirus sa probinsya.

Kahapon ay walang naitalang nagpositibo sa lahat ng mga specimen na sinuri nitong Linggo kung kaya nananatili sa 5,184 ang total cases.

4,683 ang gumaling at 323 ang aktibong kaso. Isang panibagong insidente ng pagkasawi ang naitala kung kaya nasa 217 na ang death toll.

Sa kabila ng pagbaba ng daily cases ay pinaalalahanan ni Bichara ang mga Albayano na huwag maging kampante lalo na at may banta na rin ng Delta variant.

Pinayuhan din nito ang mga mamamayan na magpabakuna na oras na maging abilable sa kani-kanilang lugar ang COVID-19 vaccines.

Kaugnay nito ay wala pang pahayag ang gobernador kung magluluwag nang muli ng restriction sa mga border dahil magdedepende anya ito sa sitwasyon sa Quezon province at National Capital Region (NCR).

Aminado ang opisyal na hindi kakayanin ng lalawigan sakaling lumalang muli ang sitwasyon.

Paalala nito sa mga papasok sa Albay na manggagaling sa Maynila at mga karatig lalawigan, maghanda ng negative RT-PCR, Saliva o Antigen test results.

Binalaan din nito ang sinumang mahuhuling namemeke ng dokumento na maaari silang maharap sa pananagutan.### || slm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *