Pagpapalakas ng maritime patrolling sa WPS, dapat isama sa pondo ng 2025

Kailangan nang buhusan ng pondo ng gobyerno ang pagpapalakas sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea.

Ito ang binigyang-diin ni House Special Committee on the West Philippine Sea at Mandaluyong City Representative Neptali Gonzales II kasunod ng iniulat kahapon na banggaan ng mga barko ng Philippine Coast Guard at Chinese Coast Guard.

Sa press conference sa Kamara, sinabi ni Gonzales na sa pagpaplano ng national budget sa 2025 ay dapat isama na sa pagpopondo ang mga pangangailangan upang mabantayan ang ating teritoryo bukod sa sektor ng edukasyon at kalusugan.

Ipinaliwanag ng kongresista na upang mapalakas ang presensya ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo ay kailangang dagdagan ang mga barkong nagpapatrolya.

Ipinaalala rin nito na sa kasalukuyang pambansang budget ay nagkaroon ng isyu matapos ma-realign ang pondo ng ilang civilian agencies upang ilipat sa security agencies na may kinalaman sa West Philippine Sea.

Dagdag pa ni Gonzales, nagsisilbing hamon para sa Coast Guard at AFP ang pagpapatrolya sa karagatan dahil sa limitadong gamit gayundin ang maliliit na barko sa resupply mission kumpara sa Chinese vessels.

Samantala, naniniwala naman si Gonzales na hindi dapat matigil ang paghahain ng diplomatic protest kahit tila walang nangyayari dahil nagreresulta ito sa mga kasunduan na nagpapalakas ng ugnayang pandepensa tulad ng joint maritime activity ng Pilipinas at Australia.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *