Pamunuan ng PNP Bicol pinuri ang kapulisan ng Camarines Norte kasunod nang matagumpay na pagkakadiskubre ng mga armas at pampasabog sa bayan ng Capalonga

CAMARINES NORTE- Pinuri ni PNP Bicol Regional Director PBGEN Jonnel Estomo ang mga kapulisan ng Camarines Norte kasunod ng matagumpay na pagkakadiskubre ng imbakan ng mga armas, bala at pampasabog sa Barangay Tanawan, Capalonga, Camarines Norte.

Ayon kay Estomo, ang matagumpay na operasyon ay bahagi umano ng pinaigting at pinalakas na kampanya kontra insurhensya sa rehiyon.

Aniya, isa na naman itong indikasyon sa tuluyang paghina ng teroristang grupo.

Pinasalamatan din nito ang komunidad dahil umano sa aktibong koordinasyon at suporta na ibinibigay sa kapulisan at kasundaluhan.

“Mula sa hanay ng kapulisan nais kong ipaabot ang aking pasasalamat sa ating mga kababayan na walang sawang nagbibigay impormasyon sa atin. Ang kanilang pakikipag ugnayan sa atin ay isang palatandaan ng kanila ring kagustuhan na mawakasan ang presensya at karahasan ng NPA”, ani Estomo.

Matatandaan na nadiskubre noong Biyernes ng gabi, July 30, 2021 ang imbakan ng mga armas, pampasabog at iba’t- ibang uri ng bala sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa naturang bayan .

Nangako rin ito na mas paghuhusayin pa ng PNP Bicol ang mga nasimulang programa tungo sa pagkamit ng isang pamayanang malayo sa kriminalidad.

“Makakaasa ang ating mamamayan na pag-iigihan pa natin ang ating mga inisyatibo at patuloy tayong mabibigay serbisyo saan man tayo kinakailangan. Kami ay inyong kasangga saan man kayo naroroon, sama-sama nating itaguyod ang isang progresibo at ligtas na komunidad para sa lahat”,  dagdag pa niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *