Panibagong batch ng Coronavac at Janssen COVID-19 vaccines, dumating sa lungsod ng Legazpi kahapon

BICOL—Mayroon na namang karagdagang mga bakuna na dumating para sa Bicol region kahapon kabilang ang Coronavac at Janssen COVID-19 vaccines.

Umaabot sa 78,400 vials ng Coronavac ang dumating sa Legazpi City Airport kahapon ng tanghali kasabay ang 5,680 vials ng Janssen vaccines ng Johnson and Johnson.

Ayon sa Department of Health (DOH) Bicol, nakalaan ang Coronavac vaccines para sa mga nasa A1 o mga healthcare workers, A2 o mga senior citizen, at A3 o individual with comorbidity priority groups.

Ang Janssen vaccine naman ay para sa islang lalawigan ng Masbate na para lamang sa mga nasa A2 priority group.

Maliban dito, nasa 3,000 vials din ng Coronavac ang naunang lumapag sa Virac Airport sa lalawigan ng Catanduanes kahapon ng umaga na para rin sa mga nasa A1 to A3 priority groups.

Dahil dito, inaasahang magtutuloy-tuloy ang pagbabakuna sa iba’t-ibang lalawigan sa rehiyon bunsod ng sunod-sunod na pagdating ng mga bakuna.

Mababatid na noong Lunes ay naunang dumating sa Catanduanes ang pinakaunang batch ng Janssen vaccine at nitong Miyerkules naman ay lumapag sa lungsod ng Legazpi ang nasa 33,280 vials ng nasabing bakuna na para sa mainland provinces ng rehiyon.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *