Pinakabagong resupply mission sa Ayungin shoal, matagumpay ayon sa AFP

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naging matagumpay ang isinagawang resupply mission sa Ayungin Shoal; sa kabila ng tangkang pagsingit at pagbuntot ng mga barko ng China.

Sa video na inilabas ng tanggapan ni Senate President Juan Miguel Zubiri, pinakita ang panibagong pangha-harass ng 11 maritime vessels at 2 barko ng Chinese Coast Guard (CCG).

Ayon kay Zubiri, sinusubukang sumingit ng CCG at ’tila’ gusto na banggain ng China ang resupply ship ng bansa at maging ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG).

Dagdag pa ng Senate President, lubhang mapanganib ang ikinilos ng mga barko ng Beijing para sa Pilipinong militar.

Kinondena naman ng ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang patuloy na ilegal, agresibo at destabilizing na galaw ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Medel Aguilar, hindi mananaig ang delikado at ‘unprofessional’ na gawi ng mga barko ng Beijing.

Samantala, iginiit ng China na hindi humingi ng permiso ang Pilipinas na pumunta sa Ren’ai reef o Ayungin Shoal.

Ito’y dahil muling tinutulan ang pagdala ng construction materials sa BRP Sierra Madre na para sa kanila ay ilegal na nakasadsad doon.

Una nang sinabi ng Pilipinas na hindi nila kailangan ng permiso mula sa China dahil sakop ito ng EEZ ng bansa.

Bago ito, una nang sinabi sa tweets ni dating US Senior Defense Official Ray Powell na ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Cabra at BRP Sindangan ang nag-escort sa mga resupply boats.

Ayon kay Powell, dalawang barko ng China Coast Guard at 10 maritime militia vessels ang humarang umano sa entrance ng Ayungin Shoal.

Isang Chinese cargo ship, ang Chang Zheng 1 Hao, ang namataan din sa lugar.

Ito na ang ikatlong misyon ng pamahalaan matapos ang insidente noong August 5 kung saan gumamit ng water cannon ang Chinese Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *