Pinay, naharang sa airport dahil sa passport na nabili sa TikTok

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isang Filipina na biktima ng human trafficking matapos magpakita ang pekeng Belgian passport na binili niya raw sa Tiktok.

Ang biktimang Pinay, na kinilalang si ‘Josephine’ sa kanyang Belgian passport, ay nagtangkang umalis patungong Ercan, Cyprus sa pamamagitan ng Kuwait Airlines flight.

Una nang ipinakita ni Josephine ang kanyang Belgian passport at sinabing magta-transit siya mula Kuwait patungong Izmar, Turkey.

Kinumpirma ng forensic documents laboratory ng BI na pawang peke ang passport, residence card, at immigration stamps ni Josephine.

Na-deport ang biktima mula sa Israel noong unang bahagi ng taong ito dahil sa pagtatrabaho nang walang valid visa, ngunit nakapanood daw siya ng Tiktok video na nag-aalok ng EU passports para makapag travel ng visa-free sa maraming bansa.

Nagbayad umano siya ng kabuuang PhP 700,000 para sa kanyang mga pekeng dokumento. Pinangakuan siyang magtrabaho sa Greece bilang caregiver, na may alok na PhP 180,000 na suweldo kada buwan.

Kaagad na itinurn-over si Josephine sa inter-agency council against trafficking (IACAT) para sa tulong at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanyang recruiter.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *