Pinsalang iniwan ng sunog sa isang junk yard sa Virac, Catanduanes umabot ng halos kalahating milyong piso

Virac, CATANDUANES —Inihayag ni BFP Virac Station Acting Municipal Marshall Fire Inspector – Marlon Vargas na tinatayang aabot sa halos kalahating milyong piso ang halaga ng iniwang pinsala ng nangyaring sunog sa isang junkyard sa Brgy. Sto. Domingo, bayan ng Virac, Catanduanes.

Ayon kay Vargas, pawang mga nakatambak na ‘plastic materials’ ang nilamon ng apoy sa loob ng compound ng Tugay Junk Shop na umano’y pag-aari ng isang nagngangalang Antonio Tapel Bonagua.

Hindi pa aniya matukoy ng BFP ang sanhi ng nangyaring sunog ngunit ayon sakanilang inisyal na imbestigasyon ay may mga ilang residente sa lugar ang nakakita sa isang lalaki na dumaan sa site kung saan naganap ang sunog.

Maswerte namang walang nadamay na mga kabahayan dahil nasa bahagi na ito ng kabundukan at malayo sa mga residential areas ng barangay. Wala ring naitalang casualty mula sa nasabing insidente.

Matatandaan na inabot ng mahigit dalawang oras ang BFP bago tuluyang naapula ang sunog at hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil dito.###

Photo Courtesy: BFP Virac

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *