PNP HPG may paalala sa mga driver ng pampublikong sasakyan ngayong balik eskwela na ang mga estudyante

CAMARINES NORTE – Nagpaalala ang Philippine National Police Highway Patrol Group sa mga driver ng pampublikong sasakyan na maging responsable at tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante ngayong nagbabalik eskwela ang mga ito.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant Renita Quilas,  Provincial Executive Senior Police Officer (PESPO) ng PNP HPG sa Camarines Norte karamihan umano sa mga sumasakay ngayon ay mga estudyante at importanteng matutukan ang kanilang kaligtasan.

Kaya naman bukod sa pagpapanatiling ligtas ang kalsada partikular ang national highway, nakatutok rin umano ngayon ang HPG sa mga overloading na jeepney at tricycle na madalas kapag ganitong panahon.

Aminado si Quilas na marami pa rin talaga ang mga nagsasakay ng sobra-sobrang pasahero  lalo na sa malalayong lugar sa kabila ng paulit-ulit umano nilang paalala.

Maliban sa mga pampublikong sasakyan, nagpaalala rin ito sa mga naghahatid ng estudyante gamit ang motorsiklo.

Aniya, hindi dapat iangkas ang mga bata sa motorsiklo kung hindi pa nito abot ang apakan at hindi pa nakakahawak ng mabuti sa driver.

Kahapon ilang mga naka- motorsiklo ang sinita at tiniketan ng HPG dahil sa pagsasakay ng bata na hindi pa dapat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *