POSD, hinikayat ang mga barangay officials na higpitan ang implementasyon ng liquor ban

Hinikayat ng Public Order and Safety Division Cauayan City ang mga barangay officials na higpitan ang pagpapatupad ng liquor ban sa kanilang nasasakupan habang nakasailalim sa General Community Quarantine Bubble set-up ang lunsod.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, mahalaga umano ang kooperasyon ng mga punong barangay sa pagpapatupad ng 24 hours liquor ban sa kanilang nasasakupan.

Hinikayat rin nito ang mga barangay officials na magkaroon ng pagpapatrolya sa kanilang nasasakupan upang matiyak na sumusunod ang mga residente sa liquor ban.

Tiniyak rin nito na mayroong direktang komunikasyon ang POSD sa mga barangay officials upang agarang matugunan ang problema ng barangay sa pagpapatupad ng minimum health protocols.

Dagdag pa ni POSD Chief Mallillin, sa ngayon ay marami na aniyang sumusunod sa mga panuntunan sa lunsod lalo na umano sa curfew hours mula alas 9:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw.

Pinaalalahanan din nito ang mga may-ari ng business establishment na dapat magsarado na pagsapit ng alas 7:00 ng gabi.

Habang ang mga biyahero o umuuwi sa lunsod mula Metro Manila ay kailangang magprisinta ng negative result ng RT-PCR test o antigen test na valid lamang ng 48 Hours.

Humingi naman ito ng paumanhin sa mga nagrereklamong residente na maingay umano ang public address ng POSD tuwing gabi ngunit ito aniya ay magpapatuloy pa rin upang mapaaalalahan ang lahat sa mga umiiral na panuntunan sa lunsod sa ilalim ng GCQ Bubble set-up.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *