Proseso ng validation para sa pagbibigay ng P10K cash incentives sa mga edad 80 at 90 anyos sa bayan ng Basud, Camarines Norte sinimulan na

CAMARINES NORTE- Sinimulan na ng Lokal na Pamahalaan ang proseso ng validation para sa pagbibigay ng sampung libong pisong halaga ng cash incentives sa lahat ng nabubuhay na Senior Citizen edad 80 at 90 anyos na naninirahan sa bayan ng Basud ng Camarines Norte.

Nitong mga nagdaang araw ay mayroon nang mga barangay na tinipon ang mga nakatatanda sa kanilang nasasakupan upang maasikaso ang mga kinakailangang dokumento.

Ngayong taon kasi ay sisimulan nang ipatupad ang “Octogenarian and Nonagerian” Ordinance na ipinasa ng Sangguniang Bayan at nilagdaan ng Alkalde noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng ordinansa, tatanggap ng halagang P10,000 ang lahat ng nabubuhay na senior citizen edad 80 anyos (Octogenarian) at 90 anyos (Nonagenarian) mula sa LGU.

Ngayong 2022 sa unang taon ng implementasyon ng ordinansa, kasama sa makatatanggap ng cash incentives  ay ang edad 80 anyos pataas sa panahon na ito ay inaprobahan at sa mga susunod na taon ay ang mga may edad lang na 80 at 90 anyos.

Naglaan ng halagang P6 milyon sa 2022 Annual Budget ng LGU para pondohan ang inisyal na implementasyon ng ordinansa.

Ang naturang halaga ay subject sa increase depende sa funding requirements para mabigyang insentibo ang kwalipikadong benepisyaryo.

Ipinasa ng Sangguniang Bayan ang naturang ordinansa upang mabigyan ng kahit kaunting insentibo man lang ang mga nakatatanda dahil sa panahon umano ngayon ay kakaunti na lang ang nakatungtong sa edad na 100.

Sa ilalim naman ng Centenarian Act ay makakatanggap ng isangdaang libong piso ang mga matatandang aabot sa 100 taon mula sa National Government at mayroon ding counterpart ang LGU depende sa kakayahan ng huli.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *