PSA muling ipinaalala sa publiko na permanente ang validity ng birth, death, marriage certificate

CAMARINES NORTE- Muling ipinaalala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na permanente at walang expiration ang mga iniisyu nitong dokumento tulad ng birth, death at marriage certificate.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Camarines Norte PSA Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao sinabi nito na walang expiration ang mga nabanggit na dokumento na kanilang iniisyu maliban na lamang kung may nabago sa impormasyon na nakapaloob dito o nagkaroon ng correction.

Dati na ring sinabi ng ahensiya na ang civil registry documents na printed sa orihinal na Security Paper na inisyu ng noo’y National Statistics Office na ngayon ay PSA ay walang expiration.

Ipinaliwanag ni Padayao na nagbabago lang ang security paper at ginagawa umano ito ng ahensiya para maiwasan ang fraudulent activities.

“Yung sa papel mismo ang reason diyan is to avoid yung fraud kasi siyempre kapag fix yung ano, marami na ngayon kahit ang security paper maraming gumagaya, maraming mga fraudulent activities,” ani Padayao.

Noong Mayo ay inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na gawin nang permanente ang validity o bisa ng birth, death at marriage certificates.

Sa ilalim ng batas, ang nasabing mga certificate na inisyu, nilagdaan, certified o authenticated ng Philippine Statistics Authority, gayundin sa National Statistics Office, local civil registries ay magkakaroon ng permanent validity kahit anong petsa pa ito inisyu.

Ibig sabihin dapat  itong kilalanin at tanggapin ng lahat ng government o private transactions o mga serbisyong kinakailangan nito bilang pagkakakilanlan at legal status ng isang indibidiwal.

Pero bago pa man naipasa ang batas, dati nang sinabi ng PSA na walang expiration ang naturang mga dokumento.

Kaya aniya, paulit- ulit  ang pagkuha nito sa kanilang opisina ay dahil nire- require ng mga end user.

Nilinaw din ni Padayao na hindi ito pinagkakakitaan ng PSA dahil hindi naman  ito income generating purpose

Ang importante umano sa ahensiya ay makapagbigay ng maayos na serbisyo patungkol sa civil registration.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *