Romualdez, pinabulaanang siya ang nasa likod ng signature drive

Itinanggi ni House Speaker Martin Romualdez na ipinag-utos niya ang pangangalap ng pirma para sa People’s Initiative na magsusulong ng pag-amiyenda sa Saligang Batas.

Ito ang sagot ni Romualdez sa pahayag ni Senador Bato Dela Rosa na mayroon umanong isang kongresista na nakapagsabi sa kanyang alinsunod sa direktiba ng House Speaker ang signature drive para sa People’s Initiative.

Iginiit ni Romualdez na wala siyang alam sa sinasabi ni Dela Rosa at hindi na rin siya magkokomento dahil hindi naman pinangalanan ang kongresista na nakausap nito.

Sa talumpati naman ng House leader sa pagbubukas ng sesyon ay muli nitong binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-amiyenda sa 1987 Constitution.

Itutuloy aniya ng Mababang Kapulungan ang pag-review sa mga batas at patakaran at ang target ay tugunan ang mga isyu at isulong ang mga reporma.

Ipinaliwanag din ni Romualdez na dapat palakasin ang “relevance” at “applicability” ng mga batas upang makasabay sa kasalukuyang kondisyon kabilang na ang pag-amiyenda sa Konstitusyon para sa paglago ng ekonomiya at kapakanan ng mamamayan.

Mahalaga umanong masimulan ang pagpapapasok ng foreign capital at direct investments sa ekonomiya kaya napapanahon ang Charter Change sa pagpapaluwag sa economic provisions na hadlang sa kaunlaran.

Kasabay nito, welcome naman para sa Kamara ang inihaing Resolution of Both Houses Number 6 sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri na makasaysayan umano at nagpapakita ng pagkakaisa tungo sa hakbang na maisakatuparan ang Cha-Cha sa pamamagitan ng Constituent Assembly.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *